Inabsuwelto ng Department Of Justice (DOJ) sa reklamong rebelyon ang asawa ng isa sa mga napaslang na leader ng teroristang grupo na Maute-ISIS.
Sa walong pahinang resolusyon ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, ibinasura ng D.O.J. ang reklamong inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at AFP-The Judge Advocate General (TJAG) laban kay Najiya Dilangalen Karon-Maute dahil sa kawalan ng probable cause.
Enero 23 nang maaresto si Najiya sa Cotabato City dahil narin sa sinumpaang salasay ng isa sa mga dinukot ng Maute Group sa Marawi City na si Martino Elyana.
Ayon kay Elyana, nakita niya si Najiya at ang kanyang asawa na si Mohammad Maute na napatay naman sa pakikipaglaban sa mga tropa ng gobyerno na umano’y nagdadala ng pagkain sa mga terorista sa Bato Mosque noong Hunyo 2017.
Ipinunto ng D.O.J. na hindi sapat ang mga ebidensyang iprenisinta ng PNP-CIDG at AFP-TJAG sa inquest proceedings dahil ang pagdadala ng pagkain ay hindi naman maituturing na “overt acts” ng rebelyon.
-Bert Mozo