Naaresto ng pulisya at militar sa Iligan City ang asawa ni Omar Maute na isa sa mga lider ng Maute – ISIS Group.
Sa panayam ng DWIZ, kinilala ni Philippine National Police o PNP Region 10 Director Timothy Pacleb ang naaresto na si Minhati Madrais, isang Indonesian national.
Kasama ni Madrais ang kanyang anim (6) na anak, na pawang mga menor de edad nang salakyin ng militar at pulisya ang isang bahay sa Steele Makers Village, Barangay Tubod, Iligan City kaninang 9:00 ng umaga.
May edad 12, 10, pito, anim, dalawa at siyam na buwan ang mga anak ng suspek.
Ayon kay Pacleb, narekober sa nilusob na bahay ang apat na blasting cap, dalawang detonating cord, isang time fuse at ang expired Indonesian passport ni Madrias.
Hawak ngayon ng Iligan City Police si Madrias habang nakipag – ugnayan na ang pulisya sa Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa kustodiya ng mga bata.
Noong Oktubre, napatay ng militar ang asawa ni Madrais na si Omar sa bakbakan sa Marawi.