Nagkasundo ang mga lider ng mga bansang miyembro ng ASEAN o Association of Southeast Asian Nations na bilisan ang pagtapos sa code of conduct sa South China Sea.
Ito ay matapos matalakay sa 34th ASEAN Summit ng mga pag-aalala sa mga isinasagawang land reclamation at ibang aktibidad sa nasabing bahagi ng karagatan.
Sa ipinalabas na pahayag ni ASEAN Chairman, Thai Prime Minister Prayut Chan o Cha, napagkasunduan ng mga member state ng ASEAN na iwasan ang magsagawa ng mga aktibidad sa pinag-aagawang teritoryo para hindi lumala ang sitwasyon.
Binigyang diin din ng ASEAN ang kahalagahan ng non-militarisation sa South China Sea gayundin ang pagkakaroon ng isang mapayapang resolution sa pinagtatalunang teritoryo alinsunod sa international law kabilang ang 1982 UNCLOS.
Sinuportahan din ng mga lider ng mga bansang miyembro ng ASEAN ang pagkakaroon ng bukas na kalakalan para hindi maipit ang ASEAN sa trade war sa pagitan ng China at Estados Unidos.