Sinibak na sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Transportation Assistant Secretary Mark Tolentino.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque dahil umano sa pakikipag-usap sa kapatid na babae ng pangulo para sa kapakinabangan nito.
Ang pagsibak naman kay Tolentino ay kasunod lamang ng naging talumpati ni Pangulong Duterte kung saan sinabi nito na isang opisyal ng pamahalaan ang nakikipag-usap at gumagamit sa pangalan ng isa sa kanyang mga kaanak.
Kasabay nito, inanunsyo rin ni Roque ang isa pang opisyal ng pamahalaan na nakatakdang magsumite ng resignation bukas.
“Ang kasalanan po ni Asec. Tolentino, siya po ay nakipag usap sa isang kamag anak ng presidente. Ang order po ng presidente sa lahat ng taong gobyerno, wag ninyo pong kakausapin ang sino mang kamag anak niya na meron pong gustong kahit na anong kontrata or appointment sa gobyerno. Itong pagsibak po kay Asec. Mark Tolentino ay magsilbing halimbawa po. kapag sinabi ng presidente na wag niyong kausapin ang kamag-anak at kaibigan, wag na wag niyo pong kakausapin yan.”
Samantala, ibinabala naman ni Roque ang isang nagpapakilalang kamag-anak ng pangulo na tumatayong fixer sa hudikatura.
Tumanggi nang pangalanan ni Roque ang nasabing nagpapakilalang kamag-anak pero tinukoy niya ito bilang asawa ng ex-wife ng anak ng pangulo at ginagamit ang pangalan ng apo ng punong ehekutibo.
“Ito naman po ay asawa ng isang ex wife ng anak ng ating presidente, ginagamit po ang pangalan ng apo ng presidente para sa pag fi-fix ng mga kaso sa mga mahistrado po, mga judges and justices, wag niyo pong i-entertain itong fixer na ito, hindi po talaga kamag-anak yan ni presidente, eh kinalulungkot po, merong kinalaman sa apo, wala po tayong magagawa diyan, pero wala po awtoridad yan na gamitin ang pangalan ng presidente at ng apo ng presidente.”