Hindi gaanong naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa bansa ang suplay at presyo ng karneng baboy.
Ito ang inihayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kung saan anila nasa P120 hanggang P125 ang kada kilo pa rin ng farmgate price ng malalaking hog raiser, habang nasa P113 hanggang P118 kada kilo ang farmgate price ng backyard piggery.
Sinabi rin ni SINAG Pres. Rosendo So na hindi naman malaking producer o pinagkukunan ng baboy ang Rizal kung saan naitala ang mga kaso ng ASF.
Nanatili naman sa P220 hanggang P240 ang kada kilo ng karneng baboy sa ilang palengke sa Quezon City.
Samantala, ayon kay Chester Tan, Chairman at President ng National Federation of Hog farmers Inc., ang posibleng makaapekto sa mga magbababoy ay ang pagbabawal ng ibang lalawigan sa pagpasok ng mga baboy.
Halimbawa na lamang aniya sa Negros Occidental kung saan naglabas ng resolusyon na nagbabawal sa pagpasok ng karneng baboy mula luzon sa loob ng isaandaang (100) araw.