Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) ang pagkakaroon ng African Swine Fever (ASF) outbreak sa tatlong lugar sa lalawigan ng Rizal at Bulacan.
Ayon kay DA spokesperson Noel Reyes, ang deklarasyon ng naturang outbreak ay base na rin aniya sa pag-anunsyo nila ng resulta sa pagsusuri ng blood sample ng mga nangamatay na baboy sa ilang lugar sa bansa.
Opisyal aniya na idineklara ang ASF outbreak partikular sa Guiguinto sa Bulacan; at Rodriguez at Antipolo sa Rizal.
Binigyang diin pa ni Reyes na patuloy ang kanilang pagmomonitor sa kanilang mga natatanggap na ulat at kanila pang pinaiigting ang quarantine protocols laban sa pagkalat ng ASF.
Samantala, magugunitang noong ika-9 ng Setyembre ay kinumpirma ng DA na 16 sa 20 blood samples mula sa mga baboy na kanilang ipinasuri ang nagpositibo sa ASF.