Aabot sa 30 taon bago masugpo ang African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Ito ay ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Noel Reyes, nagsisimula na silang gumawa ng mga hakbang para makontrol ang pagkalat ng ASF kung saan nagsimula ang pagkalat ng ASF noong 2019.
Pagtutuunan din ng pansin ng ahensya ang bio security measures kung saan ay mayroong social distancing ang mga baboy, pagsusuot ng personal protective equipment (PPE) ng mga hog raisers at kailangan ding may disinfectant sa mga kulungan nito.
Kinakailangan rin na may electrocuted fences sa mga babuyan upang hindi makapasok ang daga na itinuturing na carrier ng virus.
Dagdag ni Reyes, maisasagawa lamang ang mga hakbang na ito kung makikipagtulungan ang mga barangay at lokal na pamahalaan gayundin ang mga hog raisers at traders sa DA.
Nakikipag-ugnayan na rin ang da sa mga local veterinary companies at colleges kung saan magbibigay ng incentives ang ahensiya sa makakapagdevelop ng bakuna kontra ASF.
Samantala, magbibigay ng ayuda ang gobyerno para sa repopulation program upang masugpo ang pagkalat ng ASF na aabot sa P1.6-bilyon para sa backyard raising.