Lumagda ng isang peace covenant ang pamahalaang panlalawigan ng Sulu, lokal na pamahalaan ng Patikul at ang iba’t-ibang mga law enforcement agencies.
Ito’y upang matiyak na mapananatili pa rin ang kaayusan at katahimikan sa lugar kasunod ng nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo noong Agosto 24.
Tinawag ang nasabing kasunduan bilang Patikul Parjanjian na isinagawa sa Patikul Municipal Hall.
Kabilang sa mga dumalo sina Western Mindanao Command Chief M/Gen. Corleto Vinluan, Joint Task Force Sulu Commander B/Gen. William Gonzales, Sulu Provincial Police Office Director P/Col. Michael Bawayan Jr sa panig ng law enforcers.
Gayundin sina Sulu Governor Abdusakur Tan at patikul Town Mayor Kabir Hayudini sa panig naman ng local government at mga opisyal ng barangay na nasasakupan ng Patikul.
Kasabay nito, idineklara rin ng mga residente ng Patikul ang Abu Sayyaf Group bilang persona non grata dahil sa itinuturing silang nasa likod ng paghahasik ng karahasan at gulo sa lalawigan.