Nagsimula nang magdagsaan ang mga Katoliko sa mga simbahan ngayong araw na ito.
Kaugnay ito sa paggunita sa Miercoles de Ceniza o Ash Wednesday na siyang simula nang Semana Santa.
Ito ang simula ng Kuwaresma o 40 araw na paghahanda para sa mga Semana Santa o Holy Week kung saan, ginugunita ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo.
Batay sa turo ng Simbahan, obligado ang mga Katoliko na mag-ayuno tuwing Ash Wednesday, Palm Sunday at Good Friday kung saan, one full meal at dalawang small meals lamang ang maaaring kainin sa buong araw.
Itinuturing ding pag-aayuno ang paglilimita sa mga luho at makamundong bagay sa halip, mas mainam kung ibibigay ito sa kawang-gawa.
Dito rin ipinatutupad ang abstinence kung saan, bawal ang pagkain ng anumang uri ng red meat gayundin ang pakikipagtalik.
Sa panahon ding ito hinihikayat ang mga Katoliko na mangumpisal sa lahat ng mga nagawang kasalanan at magnilay-nilay.
Sa Quiapo Church ngayong araw, magkakasunod ang misa na nagsimula kaninang alas-5:00 ng umaga at binigyan pa ng tip ang mga dumalo sa misa kung paanong gugunitain ng sabay ang Valentine’s Day at Ash Wednesday.
Dahil sabay ang paggunita sa Ash Wednesday at Araw ng mga Puso sa San Fernando, Camarines Sur, 21 couple ang ikinasal sa isang mass wedding ceremony.
Samantala sa Laoag City sa Ilocos Norte sa halip na pula ay ginawang berde ng environmental advocates ang ibinibentang bulaklak at iba pang Valentine’s items na gawa mula sa recycled materials.
Sa Balagtas, Bulacan, ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ay para sa lahat ng edad lalo na sa senior citizens sa gimik na chocolates for lolo at roses for lola.
Isang trendy way naman ang pagdiriwang ng Valentine’s day sa bayan ng Baliuag sa Bulacan dahil sa isang interactive electronic board kung saan lumalabas ang love messages.
By Jaymark Dagala / Judith Larino
—-