Nadagdagan pa ang mga cash gift na matatanggap ni Asian Games gold medalist Hidilyn Diaz.
Napagkasunduan ng mga senador na pagkalooban si Diaz ng dalawang milyong piso bilang pagkilala sa pagbibigay nito ng karangalan sa bansa sa pamamagitan ng gintong medalya sa weightlifting.
Sa kabuuan, umaabot na sa pitong milyong piso ang matatanggap na cash gift ni Diaz.
Una nang nangako ng isang milyong piso ang Siklab Foundation, dalawang milyong piso mula sa Philippine Olympic Committee, dalawang milyong piso mula sa gobyerno at isang milyong piso naman mula kay Philippine Ambassador to Indonesia Lee Hiong Wee.
Bukod sa cash incentive, maghahain naman ng resolusyon si Senador Sonny Angara para kilalanin ang naging pagsisikap ni Diaz at buong Philippine Asian Game delegation.
Samantala, isang hero’s welcome rin ang naghihintay kay Hidilyn sa Pilipinas na inaasahang sasalubungin ng kanyang mga kasamahan sa Philippine Air Force at pamilya sa Mampang, Zamboanga City.
Pagbibigay muli ng reward ni Pangulong Duterte asahan na
Naniniwala si Presidential Spokesman Harry Roque na hindi magpapahuli si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng cash reward kay 2018 Asian Games Gold Medalist Hidilyn Diaz.
Ayon kay Roque, tuwang-tuwa ang pangulo sa pagkaka-panalo ni Diaz na inihabol pa nito sa kanyang talumpati kamakalawa sa lungsod ng Cebu.
Nakatitiyak naman anya ang pinay weightlifter na makatatanggap ito ng cash incentive mula sa punong ehekutibo gaya nang ginawa nito noong makasungkit ng silver medal si Hidilyn sa 2016 summer olympics sa Rio De Janeiro, Brazil.
Dalawang milyong piso ang ipinagkaloob na insentibo ng pangulo kay Diaz noong 2016 habang makatatanggap naman ito ngayon ng 6 million peso cash incentive.
(Drew Nacino and Jopel Pelenio)