Binawian ng buhay ang isang aso matapos ilambitin sa basketball ring at paghahampasin ng ilang residente sa Pilar, Capiz.
Batay sa kuha ng video, hawak ng isang lalaki ang taling nakakabit sa aso.
Ilang sandali lamang, may isa pang lalaking lumapit sa aso at walang-awang pinaghahampas ito gamit ang isang malaking kawayan.
Napag-alamang mismong Sangguniang Kabataan (SK) Chairman ng barangay ang humampas sa aso hanggang sa tuluyan itong mamatay.
Paliwanag niya, nanghingi ng tulong sa mga residente ang amo ng aso dahil kumakain umano ito ng mga alagang manok at iba pang maliliit na hayop.
Kinondena naman ng ilang animal welfare groups ang brutal na pagpatay sa aso at kinumpirmang handa silang magsampa ng kaso laban sa SK Chairman at sa mga sangkot sa nangyaring krimen.