Itinanggi ng asosyason ng travel agencies na nakikipagsabwatan sila sa ilang mga tiwaling tauhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para magbenta ng appointment slots sa pag-aaplay at pagre-renew ng pasaporte.
Ayon kay Philippine Travel Agencies Association (PTTA) President Marlene Dado Jante, naguguluhan din sila dahil mismong ang mga slot nila para sa passport appointment ay tinanggal ng DFA noong nakaraang taon.
Iginiit ni Jante, na imposibleng manggaling sa mga taga-labas ang ibinebentang passport appointment slots dahil DFA ang nagbibigay at nagbubukas nito.
Kasabay nito, pinag-iingat ni Jante ang publiko sa pakikipag-negosasyon sa mga nagpapanggap na empleyado ng isang accredited travel agency at magbebenta ng passport appointment slots.
Una nang itinanggi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang umano’y sindikato sa ahensya matapos namang ulanin ito ng reklamo dahil sa pahirapang pagkuha ng online appointment sa application at renewal ng pasaporte.