Naglabas ng sama ng loob ang isang fur parent matapos hindi payagang papasukin sa loob ng isang “pet-friendly” restaurant sa Tagaytay ang kanyang alagang asong Pinoy.
Kwento ni Lara Antonio, dati na silang naging customer ng nasabing restaurant, kaya hindi niya inakalang magkakaroon ng isyu ang pagbalik nila rito kasama ang kanyang dalawang aso.
Ayon kay Lara, hinihintay niya ang kasama niyang bumili ng diaper nang makita ng isang lalaking staff ng restaurant ang isa niyang alagang aso na si Yoda, isang aspin.
Nagpabalik-balik ito at bumulong sa kasamahan niyang nasa front of house. Ilang saglit lang, ipinaalam sa kanya ng staff na hindi pwede si Yoda sa restaurant. Nang tanungin ni Lara kung bakit, sinagot siya nito na hanggang medium-sized dogs lamang ang pinapayagan sa establisyemento.
Dito na siya tinanong ng babaeng staff kung ano ang breed ni Yoda.
Matapos sagutin ni Lara na mixed breed ito at may bigat na 18 kg, biglang sinabi ng staff na 10-15 kg lamang ang pinapayagang makapasok sa restaurant, kahit na hindi ito nakasaad sa kanilang website o anumang social media page.
Giit ng manager ng restaurant, nasa Facebook page nila ito, ngunit wala itong maipakitang pruweba. Sa halip, sinabi nito na ang mga pinapayagan lamang makapasok sa restaurant ay mga aso katulad ng shih tzu at maging labrador retriever na may bigat na 25 kg pataas.
Sa kabilang banda, naglabas ng pahayag ang restaurant kaugnay sa hindi pagkakaintindihan sa kanilang pet policy. Anila, kinokonsidera lamang nila ang espasyo at kaligtasan ng kanilang customers.
Marami namang netizen, animal welfare groups, at maging celebrities ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa ginawa ng restaurant. Panawagan nila, #NoToBreedDiscrimination.