Sa kabila ng pagbaba ng inflation rate sa 4.9% nitong October 2023 mula sa 6.1% noong nakaraang buwan, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuloy pa rin ang assistance programs na ibinibigay ng administrasyon niya para sa mga nangangailangan.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, kahit bumaba ang implasyon, mahalaga pa rin ang pagbabantay sa presyo ng mga produkto, partikular na ng pagkain, transportasyon, at enerhiya, sa gitna ng mga hamon gaya ng El Niño.
Ayon sa PAGASA, nakararanas ng moderate El Niño ang bansa na inaasahang lalala hanggang sa unang quarter ng 2024. Maaaring maapektuhan ng tag-tuyot ang agricultural production at energy generation ng bansa.
Dahil dito, nitong November 7, 2023, inutusan ni Pangulong Marcos Jr. ang Department of Agriculture na paigtingin ang production support sa mga probinsyang hindi masyadong maaapektuhan ng El Niño. Dahil hindi naman maaapektuhan ng El Niño ang ilang lugar, dapat i-target dito ang suporta para stable pa rin ang produksyon ng pagkain sa bansa.
Sa kabila nito, tinitiyak pa rin ng pamahalaan ang proteksyon at assistance sa most vulnerable sectors sa bansa na apektado rin ng El Niño. Sa katunayan, inanunsyo ng NEDA na mamimigay sila ng cash aid sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño. Ayon kay Usec. Edillon, maaari ring ma-extend ang suportang ito sa Food Stamp Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas palalawakin sa 2024.
Kahit nakararanas ng El Niño ang bansa, maaari pa ring bumaba ang inflation rate sa mga susunod na buwan dahil na rin sa patuloy na suporta ng administrasyong Marcos sa agriculture sector, na siyang nagdudulot ng pagbaba ng presyo ng mga bilihin at nagbibigay ng sapat na pagkain para sa bawat Pilipino.