Mistulang kinuyog ng mga Kongresista si Siquijor Congressman Ramon Rocamora sa impeachment hearing laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito’y makaraang ipahiwatig ni Rocamora sa kanyang pagtatanong na posibleng masama ang loob ni Associate Justice Teresita De Castro nang si Sereno ang mapili at itinalagang Chief Justice gayung pareho silang nag – aplay sa posisyon.
Maririnig at makikita sa pagdinig ang pag – alma ng mga Kongresista sa istilo ng pagtatanong ni Rocamora.
Pinalakpakan naman ng mga Kongresista si De Castro sa kanyang naging sagot kay Rocamora.
Ayon kay De Castro, wala na siyang magagawa kung si Sereno ang napiling maging Chief Justice pero hindi siya puwedeng manahimik na lamang sa mga nakikita niyang pagkakamali ni Sereno.
Kasi ho kung ganyan ako, na puro emosyon, puro feelings, dapat ho umalis ako sa husgado. Kaya ho itong pag – appoint kay Chief Justice Sereno, ano pong magagawa ko? The President appointed her. Kaya ho dapat siguro tingnan ninyo ‘yung aking mga ginawa kung merong basehan.
Kaya nga ho ready ako, nandito lahat ng dokumento para ipakita at ipaliwanag, bakit ko ginawa ang mga ginawa ko. – De Castro