Nakabantay ang Department of Education (DepEd) sa ginagawang aksyon ng Ateneo de Manila University sa kaso ng pambu-bully sa kanilang high school department.
Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan sensitibo ang kasong ito dahil pawang mga menor de edad ang sangkot.
Isa aniya sa nais nilang mangyari ay matigil na muna ang mga usapan at pagkalat ng video ng naganap na pambu-bully.
Sinabi ni Malaluan na nais nilang kunin ang pagkakataon na ipaalala sa lahat ng paaralan, pribado man o pampubliko na kelangang mayroon silang sariling child protection policy.
“Gusto ko lang i-emphasize na hindi punishment or punitive ang dapat na first response dito kundi una ay mapaghiwalay at ma-stop ‘yung bullying immediately at magkaroon ng positive value interventions both to those who committed the act of bullying and the victim.” Ani Malaluan
Maliban dito, obligasyon aniya ng lahat ng paaralan na mag-report sa DepEd hinggil sa implementasyon ng kanilang child protection policy.
“Mino-monitor namin ito at may ugnayan na kami, we trust that they will fully implement ‘yung aming child protection policy and standards, gusto naming i-emphasize dahil lalong na-arouse ‘yung curiosity sa halip na mapigilan natin na halimbawa patuloy na ikalat o i-share ang video, in the process they violate probably the rights of the children regardless of whether they are the ones committing the act of bullying.” Pahayag ni Malaluan
(Ratsada Balita Interview)