Nag-abiso na ang Manila District Traffic Enforcement Unit sa mga motoristang dumadaan sa Maynila na gumamit ng alternatibong ruta sa January 7.
Kaugnay ito sa idaraos na prusisyon ng mga replica ng Itim na Nazareno.
Batay sa abiso ng MDTEU, tatlong kalsada ang isasara sa araw ng Linggo bilang paghahanda sa prusisyon ng mga replica na magsisimula alas-2:00 ng hapon.
Kabilang sa mga isasara, alas-11:00 pa lamang ng umaga ng Linggo ang: Southbound Lane ng Quezon Blvd (Quiapo) mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Plaza Miranda, Eastbound Lane ng CM Recto Avenue mula Rizal Avenue hanggang SH Loyola St. at Westbound Lane ng Espania Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma St.
Ang naturang prusisyon ay magsisimula sa Plaza Miranda bago kumaliwa sa Quezon Boulevard hanggang makarating sa Quiapo Church.
Ang mga sasakyan namang manggagaling sa Espania Boulevard na patungong Roxas Boulevard, South Pier Zone o Taft Avenue ay inaabisuhang kumanan sa P. Campa at diretso sa Fugoso St.
Ang mga motorista namang magmumula sa A. Mendoza patungong Quezon Boulevard ay kailangang kumanan sa Fugoso St. at kumaliwa sa Rizal Avenue.
Ayon pa sa MDTEU, ang lahat ng mga sasakyang galing Divisoria at patungong CM Recto ay inaabisuhang kumanan sa Rizal Avenue samantalang ang mga motoristang dumadaan sa SH Loyola St. na galing Balic Balic at patungong Quiapo ay uubrang kumanan sa CM Recto Avenue.
(Ulat ni Aya Yupangco)