Inamin ng abogado ng mga testigo noon sa pork barrel scam na pinili lamang ng Liberal Party kung sino sino ang kakasuhan noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino na sangkot sa PDAF scam.
Ayon kay Atty. Levi Baligod, dating abogado ng primary whistleblower na si Benhur Luy, hindi lamang tungkol sa PDAF ang isinumite nila noon sa Department of Justice kundi maging tungkol sa DAP o Disbursement Acceleration Fund at iba pang insertions.
Gayunman, sinabi ni Baligod na binalewala itong lahat ng noo’y Justice Secretary Leila De Lima at inatasan siyang mag-focus lamang sa ilang mga kaso.
Sinabi ni Baligod na 25 lamang ang kinasuhan ni De Lima sa PDAF scam, taliwas sa pangako nito sa kakasuhan ang lahat ng sangkot.
Ito aniya ang nagtulak sa kanya para dumirekta na sa Office of the Ombudsman at kasuhan ang 17 miyembro ng Liberal Party.
Tiyak na marami pang mambabatas ang sasabit sa PDAF scam—Atty. David
Tiyak na marami pang mambabatas ang sasabit sa pork barrel scam sa sandaling makumpleto ang proseso ng pagiging state witness ni Janet Napoles.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Atty. Stephen David, abogado ni Napoles na posibleng maisama na ang mga mambabatas at opisyal na pinigilang pakasuhan noon ng nakaraang administrasyon.
‘Yung bagay na ‘yan, nangyari noong panahon pa ni Sec. De Lima. Kaya lang noon, hindi siya [Napoles], kinokonsidera. At noon inamin naman ni Atty. Baligod na noong panahon nila na marami raw hindi hinainan [ng kaso] si Sec. De Lima dahil utos raw ni “sir”. Pero ewan ko kung sinong “sir” ‘yan. Pahayag ni David
Samantala, pumalag si David sa ulat na ang Palasyo mismo ang nagpayo sa kanya para mag-mosyon sa Korte na mailipat na sa safehouse ng Witness Protection Program si Napoles.
Inamin ni Atty. David na nag-uusap sila ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre tungkol sa kung saan dapat ang kustodiya kay Napoles.
Gayunman, ang pinag-uusapan lamang aniya nila ay kung ang DOJ ba o sila sa kampo ni Napoles ang dapat maghain ng mosyon sa Korte.
Dalawang bagay ang pinag-uusapan namin ni Sec. Aguirre, obligasyon nila ngayon na tiyakin ang kaligtasan niya [Napoles]. So ang question, kailangan bang kuhanin na siya [Napoles] immediately agad agad at walang nang abiso sa Korte o number two, kailangan bang magpaalam sa husgado? Kung magpapaalam sino ang magpapaalam, sila ba o ako o jointly? Ani David