Nanindigan si Executive Secretary Lucas Bersamin na walang moral authority si dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na batikusin ang pagreorganisa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa National Security Council.
Ayon sa Kalihim, naalala niyang itinulak ni Panelo noong panahong nagsilbi ito sa administrasyong Duterte, na tanggalin bilang miyembro ng NSC si dating Vice President Leni Robredo.
Tinawag naman ni Executive Sec. Bersamin na malisyoso ang pahayag ni dating Presidential Spokesman Harry Roque, na ang nasabing hakbang ay bilang paghahanda sa pagpapatupad ng martial law.
Tiniyak ng Kalihim na wala ito sa plano ni PBBM at tanging prayoridad nito na magpatupad ng mga programa na magpapabuti sa pamumuhay ng mga Pilipino at magpapasigla sa ekonomiya ng bansa.
Binigyang diin pa ng Kalihim na dapat maunawaan ng lahat na ang nsc ay isang advisory body para sa Pangulo bilang Commander-in-Chief, at responsibilidad din ng presidente na tiyakin na ang lahat ng kasapi nito ay kanyang mapagkakatiwalaan.
Nilinaw naman ni Executive Sec. Bersamin na hindi ibig sabihin nito ay hindi dapat pagkatiwalaan si Vice President Sara Duterte.
Gayunman, dahil aniya sa takbo ng mga pangyayari ngayon, kailangan ng Pangulo nang buong pagtitiwala at kumpiyansa sa kanyang mga kasamahan sa konseho. - mula sa ulat ni Giblert Perdez (Patrol 13)