Positibo ang maaaring maging resulta ng pakikipag-usap ni Aung San Suu Kyi hinggil sa pagsususpindi ng isang batas na nagbabawal sa kanya na maging presidente ng Myanmar.
Ayon sa magkahiwalay na ulat ng mga pro-government TV channel na Skynet at Myanmar National Television, maganda ang nagiging takbo ng negosasyon sa pagitan nina Suu Kyi at hepe ng militar ng Myanmar na si General Min Aung Hlaing.
Maaaring ligal na maalis ang nasabing constitutional clause sa pamamagitan ng two-thirds na boto sa parliament.
Magugunitang nanalo sa eleksyon noong Nobyembre ang partido ni Suu Kyi ngunit hindi siya maaring maging presidente dahil sa Article 59 kung saan nakasaad na hindi maaaring maging presidente ng Myanmar ang sinumang may dayuhang asawa o anak.
Briton ang namayapang asawa ni Suu Kyi gayundin ang kanilang mga anak.
By Avee Devierte