Naibalik na sa bansa ang nasa ika-20 siglong igorot axe na pinaghihinlaang ginamit sa pag-ukit ng kahoy at pangangaso ng mga ifugao sa Hilagang Luzon.
Naharang ng Australian Border Force (ABF) ang palakol nang tangkain itong ipasok sa Australia mula sa Estados Unidos.
Sa isang seremonya, ibinalik ng gobyerno ng Australia, sa tulong ni Office for the Arts Acting First Assistant Secretary Greg Cox, ang nasabing palakol kay Philippine Ambassador Maria Helen De La Vega.
Sa patnubay ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at National Museum of the Philippines napadali ang pagsasauli ng Cultural Artifact sa Pilipinas.
Sa pahayag ni NCCA Chairman Arsenio Lizaso, sinabi nito na ang pagsasauli sa igorot axe ay isang repleksiyon ng pagpapahalaga sa sistema at tradisyon na naipasa mula sa iba’t-ibang henerasyon.
Samantala, pinasalamatan ni De La Vega sa kanyang talumpati ang gobyerno ng Australia sa pagsisikap nitong maibalik ang igorot axe sa bansa.—sa panulat ni Joana Luna