Sisimulan na ng Australia ang mahigpit na screening sa mga dumarating na pasahero mula Wuhan City China.
Ito ay bilang bahagi ng mga hakbang ng Australian Government para mapigilan ang pagkalat ng bagong natukoy na corona virus sa kanilang bansa.
Ayon kay Australia Chief Medical Officer Brendan Murphy, pangungunahan ng kanilang mga biosecurity officials ang pag-screen sa mga pasahero galing Wuhan City simula sa Huwebes.
Mamimigay aniya ng information pamphlet sa Sydney Airport kung saan tatanungin ang mga bagong na pasahero kung sila ba ay may lagnat.
Sa kabila nito, aminado naman ang Australian Government na mahirap mapigilan ang pagkalat ng naturang misteryosong sakit sa kanilang bansa.
Una rito, kinumpirma ng China Health Commission na maaaring maipasa sa pagitan ng mga tao ang misteryosong respiratory disease na tumama na sa mahigit 200 indibiduwal sa China.
Magugunitang sa inisyal na pagsusuri ng Chinese authorities, sinasabing naililipat lamang ang bagong klase ng coronavirus mula sa hayop na may sakit patungo sa tao.