Muling dumulog sa Department of Justice ang australyanong madre na si Sister Patricia Fox para magsumite tugon sa komento ng Bureau of Immigration kung saan ay muli nitong iginiit na baligtarin ang pagbawi ng B.I. sa kanyang missionary visa.
Sa kanyang 21 pahinang reply, nanindigan si Fox na nalabag ang kanyang due process nang bawiin ng B.I. ang kanyang missionary visa batay lamang sa ulat na siya ay sumasali sa mga political activity sa Pilipinas partikular na sa mga kilos protesta.
Iginiit ng madre na hindi naman nakasaad sa ulat ng Intelligence Agent ng ahensya na ang kanyang presensya sa mga sinalihan niyang aktibidad ay nakaapekto sa kapayapaan at kaayusan ng bansa.
Gayunman, nauunawaaan umano niya na ang visa na ipinagkakaloob sa isang dayuhan ay isang pribilehiyo na ibinibigay ng mga otoridad, pero ang kapangyarihan ng estado sa pagbawi ng visa ay mayroon din umanong limitasyon at ito ay hindi maaaring gawin nang walang mabigat na katwiran.