Nasawi ang isang lalaki matapos umanong magnakaw ng bakal sa isang ginagawang condominium sa Pasay City kahapon.
Ito’y matapos barilin ng guwardiya ang suspek na si Albert Javier na umano’y pumasok sa loob ng construction site habang naghihintay umano ang dalawa pang kasama nito sa labas ng gate.
Ayon sa gwardiyang si Celso Piloton, dalawang beses nitong sinita ang naturang suspek at nagwarning shot ngunit lumapit ito sa kanya at inundayan siya ng saksak gamit ang ice pic ngunit nakailag siya nang dalawang beses.
Subalit sa ikatlong beses aniya ay napilitan siyang paputukan ito kung saan tinamaan sa dibdib ang suspek.
Giit ng guwardiya trabaho niyang bantayan ang construction site at dinepensahan lamang niya ang kaniyang sarili.
Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang naturang pangyayari.