Sumampa na sa 29 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pag-ulan at pagbaha na dulot ng low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at shear line.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), lima ang naitalang namatay sa Bicol region; tag-pito sa Eastern Visayas at Northern Mindanao; walo sa Zamboanga Peninsula; at tag-isa sa Davao region at SOCCSKSARGEN.
Labing-lima mula sa nasabing bilang ang naberipika na habang labing-apat naman ang inaalam pa.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 12 sugatan mula sa MIMAROPA, Region 9 at Region 10 habang dalawa ang nawawala sa Region 10, at tag-isa naman sa Region 12 at BARMM.
Umabot naman sa 347,382 na pamilya o katumbas ng 1,398,103 na indibidwal ang naapektuhan.
Nakapamahagin na rin ang pamahalaan ng P74,540,961 na halaga ng tulong sa mga biktima.
Samantala, pumalo na sa P399,572,339 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura habang nananatili sa P171,555,996 sa imprastruktura. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)