Binigyang pagkilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang katatagan at pagiging maaasahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa loob ng mahigit 70 taon.
Sa naganap na 72nd anniversary ng DSWD kasabay ng inagurasyon at ceremonial turn-over ng bagong multi-purpose building ng ahensiya kahapon na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may temang: “Kaagapay sa pagbangon, katuwang sa bawat hamon.”
Ipinagmalaki ng pangulo ang pagiging matatag ng DSWD kung saan, hindi ito natitinag sa anomang hamon o misyon para sa taumbayan.
Layunin ng DSWD na mapabuti ang pamumuhay ng bawat pilipino, lalo na yung mga nasa panganib o hindi inaasahang sitwasyon, at ang mga nakararanas ng kagipitan o kakulangan sa kanilang pang araw-araw na gastusin.
Ayon sa pangulo, malaki ang ginagampanang papel ng ahensya dahil kanilang ipinakita ang dedikasyon na makatulong para sa tagumpay at marangal na institusyon.
Samantala, pinasalamatan naman ni PBBM ang mga tauhan at opisyal ng DSWD na walang tigil sa pagbibigay ng serbisyo-publiko para sa mga pilipino.