Nagisa sa gitna ng pagdinig sa kamara ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa naganap na aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kasunod ito ng libu-libong flights ng domestic at international passengers ang naapektuhan noong bagong taon dahil sa technical glitch sa air traffic management system kung saan, pumalya ang circuit breaker ng CAAP.
Sa naging pahayag ni CAAP Engr. Arnold Balucating, agad na bumili ng dalawang bagong units ng uninterruptible power supply (UPS) ang kanilang ahensya sa ilalim ng inilabas na Emergency Procurement Scheme para tugunan ang aberya at maibalik sa normal ang operasyon sa NAIA.
Hindi naman nakalusot sa mga mambabatas ang CAAP, kung saan, nagtanong si Bagong Henerasyon Party-List Rep. Bernadette Herrera kung bakit UPS ang binili ng ahensya kahit ang problema sa operasyon ay ang circuit breaker.
Agad na dinepensahan ni CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo ang ahensya at iginiit na kaya sila bumili ng mga UPS unit dahil panahon na para palitan ito sa kadahilanang luma at nasa pito hanggang walong taon na itong ginagamit ng CAAP.
Sinabi ng opisyal na nasa pito hanggang sampung taon lamang ang lifespan o kayang itagal ng mga UPS upang maiwasan ang mga aberya sa operating system.
Sa kabila nito, humingi ng paumanhin ang CAAP sa mga pasaherong naapektuhan at nangakong mas pagbubutihin ng ahensya ang kanilang serbisyo sa taumbayan.