Muling pinatawan ng 60 araw na suspensiyon sa kamara si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr., dahil sa kaniyang patuloy na pananatili sa ibang bansa at hindi pagharap sa mga alegasyong kinakaharap nito kaugnay sa degamo slay case.
Sa huling araw ng regular session ng 19th congress, nagdesisyon ang House Committee on ethics and priveleges, na muling suspindehin ang kongresista dahil sa kaniyang “Disorderly Behavior.”
Batay sa rekomendasyon ni House Ethics Chairman Felimon Espares, patuloy lamang na lumalabag si Cong. Teves, sa utos na umuwi na ng bansa para harapin at depensahan ang pagkakadawit ng kaniyang pangalan na itinuturong mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa.
Bukod pa dito, forfeited din ang membership ni Cong. Teves sa komite kabilang na ang pagiging vice chairman nito sa committee on game and amusement at ang pagiging miyembro sa legislative franchises at nuclear energy committee.
Ang pagkakasuspinde kay Cong. Teves ay desisyon ng 285 na kongresista na pabor na i-adopt ng kamara ang rekomendasyon ng house committee on ethics and privileges.
Dahil dito, hindi pinapayagang makadalo sa mga meeting ang suspendidong mambabatas dahil sa kaniyang suspension.
Matatandaang, unang inihayag ng mambabatas na hindi siya uuwi ng bansa hanggat may mga banta sa kaniyang buhay at sa kaniyang pamilya.