Nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga Pilipino may sirang ngipin.
Ito ang naging pahayag ng Department of Health kung saan, pinakamarami dito ang mga kabataan.
Ayon kay Dr. Manuel Vallesteros, Chief ng Child Adolescent and Maternal Health Division, Disease Prevention and Control Bureau, ng DOH, 73M Pilipino ang hindi maayos ang kundisyon ng mga ngipin at hindi nache-check o nakikita ng mga dentista na itinuturing bilang isang silent epidemic.
Sinabi ni Dr. Vallesteros, na isa sa mga posibleng dahilan kung bakit tumataas ang bilang nito ay ang kakulangan sa impormasyon sa tamang pangangalaga ng mga ngipin.
Nabatid na 50% sa naturang bilang ang may sakit sa gilagid, 40% naman ang hindi pa nakapag-pacheck-up sa dentista bunsod ng kakulangan sa access ng mga naninirahan sa geographically isolated and disadvantaged areas.
Nilinaw ni Dr. Vallesteros na bahagi ng pangkalahatang pangkalusugan ng isang tao ang oral health at dapat itong seryosohin ng publiko.
Dahil dito, target ng DOH na magkaroon ng isang dentista sa bawat munisipyo sa buong bansa.