Nanindigan ang National Security Council (N.S.C.) na pagpapalakas sa kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines ang layunin ng pinaigting na security cooperation ng Pilipinas at Estados Unidos.
Nilinaw din ng N.S.C. Na walang plano ang Pilipinas na makialam sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng China at Taiwan bilang pagkilala sa One China Policy at prinsipyo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon sa ahensya, kaligtasan ng mahigit 100,000 Filipino sa Taiwan ang pangunahing prayoridad ng gobyerno.
Samantala, nakipagpulong na rin si N.S.C. Adviser Eduardo Año kay Chinese Ambassador Huang Xilian bilang pagtiyak na hindi para sa “offensive operations” laban sa China o pakikisawsaw sa issue sa Taiwan ang karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement Sites (EDCA).