Matibay ang ebidensya laban sa na-impeach na si Vice President Sara Duterte upang masibak sa puwesto at hindi na muling makahawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Ito ang kumpiyansang sinabi San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora sa isang forum na inorganisa ng University of the Philippines College of Law hinggil sa impeachment trial ni VP Sara.
Muli ring binigyang-diin ni Rep. Zamora, miyembro ng House Prosecution Panel na tungkulin ng Kongreso na ituloy ang impeachment matapos makita ang matibay na ebidensyang natuklasan sa mga pagdinig sa Kamara.
Ayon sa kinatawan ng San Juan City na isang abugado, “Solid” ang kaso na inihain ng House Prosecution team laban sa Pangalawang Pangulo.
Ipinaliwanag din ni Rep. Zamora na kahit magbitiw sa puwesto ang isang opisyal na-impeach, hindi ito nangangahulugang tapos na ang proseso ng impeachment.
Dahil maaaring ipagpatuloy ng Senado ang paglilitis upang matukoy kung dapat bang tuluyang i-ban ang naturang opisyal sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan. – Sa panulat ni Kat Gonzales