Planong maipatupad ang panukalang pagkakaroon ng Value Added Tax refund para sa mga dayuhang turista na mamimili dito sa ating bansa bago matapos ang taong ito.
Nabatid na tinalakay na ng Senate Committee on Ways and Means ang naturang panukala.
Sinabi ni Department of Tourism Undersecretary Shereen Pamintuan na naniniwala ang DOT na makakatulong ang naturang panukala upang makilala ang Pilipinas bilang shopping destination.
Ayon kay Committee Chairman Senador Sherwin Gatchalian, sa ilalim ng panukala, applicable lamang ang VAT refund sa mga single receipt product na binili sa bansa na hindi bababa sa P3,000.
Binigyang-diin pa ni Sen. Gatchalian na hindi kasama sa nasabing panukala ang mga produktong kinokonsumo.
Target ding gawing digital ang proseso ng TAX refund upang maibsan ang mga kaso ng fraud o panloloko.
Sa kasalukuyan, nakatakda nang bumuo ng technical working group ang senate panel para sa panukala at inaasahang maipe-presenta na sa plenaryo ng senado sa pagbabalik sesyon ng kongreso sa susunod na buwan.