Inilagay na sa State of Calamity ang Zamboanga City dahil sa paghagupit ni Bagyong Paeng.
Ayon sa Zamboanga City LGU, inaprubahan ito ng Sangguniang Panlungsod sa isinagawang special session kahapon, araw ng Sabado.
Dahil dito, sinabi ng lokal na pamahalaan na maari na nilang gamitin ang kanilang mga resources upang agad na matugunan ang mga pangangailangan ng bawat barangay na labis na naapektuhan ng bagyo.
Matatandaan una nang inirekomenda ni Zamboanga City Mayor John Dalipe, na sya ring Chairman ng City Disaster Risk Reduction and Management Council, ang pagsasailalim sa kanilang lugar sa State of Calamity kasunod ng matinding pinsala na tinamo ng kanilang lunsod dahil sa pagbayo ni Typhoon Paeng.
Base sa ulat na natanggap ng lokal na pamahalaan mula sa kanilang Emergency Operations Center, isa na ang napaulat na nasawi, habang apat na indibidwal ang nawawala.
Mahigit 5,000 pamilya naman ang inilikas mula sa halos 42 barangay na naapektuhan ng mga pagbaha bunsod ng napakalakas na pagbuhos ng ulan.