Inihatid na kahapon sa kanilang huling hantungan ang dalawa sa limang Bulacan Rescuers, na nasawi habang rumeresponde sa kasagsagan ng paghagupit ni Bagyong Karding.
Inilibing si Troy Justin Agustin, sa Plaridel, Bulacan, habang sa Calumpit naman si George Agustin.
Ngayong araw naman ng Linggo nakatakdang ilibing sina Marby Bartolome, Jerson Resurrecion, at Narciso Calayag Jr.
Ginanap naman sa Provincial Capitol Gymnasium ang pagbibigay ng huling pagkilala at pagpupugay sa mga pumanaw na rescuers.
Una nang sinabi ni Bulacan Gov. Daniel Fernando, na gumamit ng bangka ang mga rescuers sa pagresponde matapos na masira ang kanilang sinasakyang trak at habang patungo sa Bayan ng San Miguel, nabagsakan sila ng isang pader na nabuwal dahil sa flashflood.
Nagpahayag naman ng labis na kalungkutan si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagkasawi ng limang Bulacan PDRRMO Rescuers.
Ayon kay Pang. Marcos, mananatili sa puso’t isipan ng bawat isa ang katapangan at kagitingan na kanilang ipinakita.