Judith Estrada-Larino
Tila trinaydor ang pakiramdam ni Matet De Leon ng sariling inang si Superstar Nora Aunor.
Ito ay matapos i-launch ni Ate Guy ang kanyang gourmet tuyo at tinapa business na kapareho ng negosyo ni Matet.
Dinala ni Matet, may ari ng Casita Estrada, sa Instagram dahil sa sobrang sama ng loob sa ginawa ng ina.
Ibinunyag pa ni Matet na sinabihan siya ng kapatid niya na mag resell na lang ng negosyo ng kanilang nanay subalit ayaw niya ito dahil pinaghihirapan nila ng kanyang pamilya ang pagtitinda.
Ikinuwento ni Matet na mismong asawa niya ang gumagawa ng gourmet tuyo nila lalo na’t wala na siyang trabaho.
Napaiyak pa si Matet dahil hindi niya lubos maisip ang ginawa sa kanya ng kanyang ina na tila kasabwat pa ang kapatid niyang si Kiko na nagsabi rin sa kanyang hayaan na lang daw ang kanilang ina kung gusto nitong mag negosyo.
Ibinunyag pa ni Matet na hirap na hirap na sila ng kanyang Ate Lotlot at Kuya Ian dahil para silang nakatali, nakabusal at sinasampal sampal.
Binuhay muli ng LTFRB ang Oplan Isnabero laban sa taxi drivers na namimili ng mga pasahero.
Ito ayon sa LTFRB ay dahil sa inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan kung kailan hindi rin maiiwasan ang mga mapagsamantalang taxi driver na namimili ng pasahero.
Dahil dito, hinimok ng LTFRB ang publiko na kaagad isumbong sa kanila ang mga pasaway na taxi drivers.
Mayruon na rin anito silang inilagay na hotlines at QR codes sa mga pampublikong lugar at sasakyan para pagsumbungan ng mga pasahero.
Sumakabilang buhay na si dating Batangas Vice Governor Ricky Recto.
Kinumpirma ito ni House Deputy Speaker Ralph Recto sa gitna na rin nang pagluluksa ng buong pamilya sa pagkamatay ng kanyang nakatatandang kapatid.
Hiniling ng Deputy Speaker sa publiko ang family time nila habang nagdadalamhati ngayon.
Nagpasalamat naman si Recto sa mga nagpapaabot ng simpatiya sa kanilang pamilya.
Hindi tinukoy ni Recto ang dahilan nang pagkamatay ng kanyang kapatid at iaanunsyo na lamang umano nila ang detalye ng burol at libing sa mga susunod na araw. —sa ulat ni Ron Lozano (Ronda Patrol)\
Ibinabala ng gobyerno ng Ukraine ang mga emergency blackouts sa ilang rehiyon ng bansa.
Sa gitna na rin ito ng pag-repair ng Ukrainian authorities ng danyos mula sa missile attacks na sumira sa mga bahay at maging sa suplay ng kuryente.
Inaasahan na ng Ukraine ang bagong Russian missile barrage dahil maaayos na ang emergency blackouts.
Ang mga naunang strike na pumatay sa apat katao ay naglagay sa matinding kadiliman at lamig sa ilang bahagi ng Ukraine, dahilan din nang pagbagsak ng mga imprastruktura na nagdulot din ng kawalan ng suplay ng tubig sa mga apektadong lugar.
Tiniyak ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang paglaban sa puwersa ng Russia hanggang sa huli.
Inilarga na ang Porky Porky Festival sa Iloilo bilang pagbawi sa African Swine Fever (ASF).
Ipinarada sa paligid ng town plaza ang 36 na lechon mula sa 18 barangay ng Bayan ng Leganes na nagsilbing hudyat na rin nang pag switch on ng mga christmas lights sa plaza.
Ayon kay Municipal Administrator David Sinay, binuksan nila sa lahat ang pagbili ng lechon sa halagang P125 kada kilo kada customer para ipakitang ligtas ang kanilang mga alagang baboy.
Ang Porky Porky Festival aniya ay bahagi ng recovery measure ng munisipyo laban sa ASF na naitala sa pitong barangay nito.
Sinabi ni Sinay na ang kikitain sa festival ay mapupunta sa mga apektadong hog raisers sa munisipyo.
Ang 36 na baboy na may timbang na 35 kilos kada isa ay nabili ng municipal government sa halagang P115 kada kilo live weight gamit ang pondong nagmumula sa Iloilo Provincial Government.
Kailangan ng dagdag na kita ng isang pamilya bukod pa sa pagtatrabaho ng ama at ina rito.
Sinabi ito sa DWIZ ni Lolito Tacardon, OIC Executive Director ng Commission on Population (POPCOM), matapos nitong i-report na kulang na kulang ang budget ngayon ng isang pamilya na hindi lamang ang araw-araw na panggastos ang kailangan.
Binigyang diin ni Tacardon na ang minimum wage sa bansa ay hindi naman talaga makakasagot sa pangangailangan ng isang pamilya lalo na kung maraming anak.
Bag na iniwan sa gilid ng ATM sa Binondo, Maynila, napagkamalang bomba
Extortion ang isa sa mga tinututukang anggulo ng mga otoridad sa pag iwan ng bag sa gilid ng ATM ng isang bangko sa Binondo, Maynila.
Kaagad rumesponde ang mga tauhan ng MPD Explosive Ordnance Disposal Unit sa iniwang bag ng suspek na naka facemask, puting t-shirt, itim na sumbrero at maong pants.
Ginamitan ng mga otoridad ng water disruptor ang nasabing bag kung saan nakumpirmang walang bomba o kahit anong pampasabog na lamang ito.
Sinabi ni MPD Spokesperson Police Major Philipp Ines na pinagmukha lamang na may lamang bomba ang bag dahil sa kable ng kuryente at card board na nasa loob nito.
Kasabay nito, pinayuhan ng MPD ang mga establishment na higpitan pa ang kanilang seguridad para maiwasan na ang pag iiwan ng mga nakakahinalang bag at iba pang insidente.
PBBM, pinangunahan ang ceremonial turnover ng bahay at lupa sa Naic Cavite
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. ang pagkakaloob ng bahay at lupa sa ilang beneficiary ng housing projects ng gobyerno.
Sa ginanap na ceremonial turn over sa Barangay Calubcob sa Naic, Cavite, dalawang set ng pitong pares ng beneficiaries ang nabiyayaan ng bahay at lupa.
Kabilang sa isang batch ng pitong pares na pinagkalooban ng certificate of house and lot ay ang mga dating rebelde.
Target ng Marcos administration na makapagtayo ng isang milyong bahay kada taon hanggang 2028 o sa pagbaba nya sa pwesto.
Sapat pa rin ang supply ng baboy habang papalapit ang kapaskuhan.
Ayon ito kay Agriculture Assistant Secretary Khristine Evangelista kasunod nang regular nilang pakikipag ugnayan sa mga hog raisers.
Sinabi ni Evangelista na tinitingnan nila kung posibleng babaan ang farm gate prices ng baboy na ngayo’y wala pa sa P200 upang mababa ring maibenta sa mga palengke.
Ipinabatid pa ni Evangelista na malakas ang demand sa lokal na baboy ng consumers.