Nakikiisa si DILG Secretary Benhur Abalos, Jr. sa pagkilala ng Pangulong Ferdinand Marcos sa 10 Local Government Unit Awardees sa 2022 Galing Pook Awards bilang huwaran ng good governance at innovation.
Binigyang diin ni Abalos na natutuwa siya sa epektibong liderato ng mga naturang LGU sa pamamagitan ng mga binubuong programa at solusyon sa mga problema.
Sinabi ni Abalos, Chairperson ng Board of Judges, na dapat maipagpatuloy ang isinusulong ng mga nasabing LGU na innovation para sa pinaigting na public service na dapat magsilbing inspirasyon sa iba pang LGU.
Isa aniya itong malaking tagumpay sa pagkilala sa kahusayan sa paglilingkod bayan.
Kabilang sa mga pinarangalang LGU sa 2022 Gawad Pook Award ang Libertad Fish Forever Savings Club ng Libertad, Antique; Advancing and Sustaining Good Governance and Community Actions Towards Resiliency and Empowerment mula sa Basilan Provincial Government; I-Bike: A Program Promoting the Development of the Iloilo City Bike Culture ng lungsod; Yaru: A Whole Community Approach Towards Disaster Management mula sa Itbayat, Batanes.
Pasok din sa nasabing parangal ang mga programa ng lalawigan ng Bataan; Tanay, Rizal; Alcala, Cagayan; Goa, Camarines Sur; Biñan, Laguna; at Piddig, Ilocos Norte.
Halos 200 LGUs ang nagsumite ng kanilang application para sa naturang parangal na ang tema ay: Padayon Para Sa Ligtas, Matalino at Matatag na Pamayanan.