Idineklarang red zone ang munisipalidad ng Oton sa Iloilo matapos mag positibo sa African Swine Fever (ASF ) ang ilang karneng baboy.
Kasunod na rin ito nang ipinalabas na kautusan ni Iloilo governor Arthur Defensor na nagbabawal sa paglalabas mula sa red zone ng mga buhay na baboy at maging pork products kabilang ang frozen at fresh pork products sa loob ng sampung araw simula kahapon, October 17.
Hindi naman sakop ng direktiba ni defensor ang mga de latang produkto.
Inilarga na ng ASF task force ang depopulation ng halos 300 baboy mula sa commercial at backyard farms at piggeries para hindi na kumalat pa ang nasabing sakit.
Mula sa 500 meter radius ng red zone, pinalawig ang quarantine measures sa apat na iba pang barangay.
Judith Estrada-Larino
Nanalo ng Jury Prize ang Kapuso actress na si Rita Daniela sa international film festival Manhattan para sa kanyang performance sa “Huling Ulan Sa Tag-araw”.
Nagpasalamat si Rita sa nasabing blessing niya lalo’t ini enjoy nya na rin ang unang biyaya sa kanya na “baby on the way”.
Ang nasabing pelikula ay nagbigay rin kay Rita ng best performance in a feature film award para sa 2021 Metro Manila Film Festival.
Sa naturang pelikula, ginagampanan ni Rita si Luisa, isang bar entertainer at family breadwinner, at ka love team niya rito si ken chan na ang seminaristang si luis
matapos silang pagtagpuin aty magkaibigan, hindi sila sigurado kung hanggang saan tatagal ang kanilang pagmamahalan.
ang kapuso actress ay una na ring na nominate sa famas dahil sa kanyang role at pag awit sa theme song ng naturang pelikula.
Popondohan ng Pag-Ibig fund ang mahigit 700 housing units na ikinakasa nito sa gobyernong Marcos.
Ito ayon kay Pag-Ibig fund chief Executive Officer Marilene Acosta ay 33% na mas mataas sa pinondohang housing units ng nakalipas na administrasyon.
Kasabay nito, tiniyak ng Pag-Ibig fund na mananatili ang mas mababang interest rates o nasa 3% sa mga miyembrong maga-avail sa housing units.
Naglaan na rin ang Pag-Ibig fund ng P110 billion para sa housing loans ng 100,000 miyembro nito.
Inabot ng bubungan ng maraming bahay ang baha sa Cagayan De Oro City.
Makikita rin sa video ang pagtangay ng malakas na agos ng baha sa isang motorsiklo sa Barangay Bugo.
Sinasabi ng mga residente na ang nasabing pagbaha ay naranasan simula nuong 1994.
Ayon sa Cagayan de Oro City Social Welfare and Development Office, mahigit 700 pamilya ang apektado ng baha at karamihan sa mga ito ay inilikas na sa mga paaralan at barangay gym.
Namahagi naman ng pagkain mula sa community kitchen ang CSWD bilang tulong sa mga apektado ng baha.
Ilang kilo ng hot meat ang nakumpiska ng awtoridad sa Parañaque.
Kasunod na rin ito ng operasyon sa La Huerta Public Market kung saan isang delivery boy ang hinarang nang madiskubre sa kinakalawang nitong sidecar ang mga nasabing meat products.
Naka-expose ang mga naturang karne na dapat ay nakalagay sa container o naka plastic.
Ayon kay Dr. Karen Vicencio ng Veterinary Services, magdudulot ng zoonotic o sakit mula sa mga hayop na naililipat sa mga tao ang hindi maayos na paghawak at pagba-biyahe sa mga karne.
Pinayuhan naman ng Parañaque City Government ang publiko na tiyaking may meat inspection certificate ang mga meat vendors bago bilhin ang mga produkto nila.
Nakiusap ang Department of Agriculture sa importers na ibenta sa gobyerno sa 70 pesos kada kilo ang alokasyon nila sa importasyon ng asukal.
Sinabi ng DA na magkakaroon ng sapat na supply ng asukal sa abot-kayang halaga kung maibebenta sa kanila ang 10% ng imported sugar allocation ng kada importer, base na rin sa sugar importation policy para sa crop year 2022-2023.
Una nang nagsanib-puwersa ang DA at Sugar Regulatory Administration (SRA) para maibenta sa merkado ang nakapakong 70 pesos kada kilo na halaga ng asukal.
Susunod ang COMELEC sa magiging pasya ng Korte Suprema kaugnay sa pagdaraos ng Barangay at Sanggunian Kabataan Elections.
Ayon kay COMELEC spokesman John Rex Laudiangco, hihintayin nila ang pasya ng high tribunal sa petisyong isinampa ni Atty. Romulo Macalintal na kumukuwestyon sa kapangyarihan ng legislative at executive branch sa usapin nang pagtatakda sa termino ang Barangay at SK officials.
Una nang ipinagpaliban ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang barangay at SK elections sa December 5 matapos lagdaan ang panukalang suspensyon nito na ipinasa ng Kongreso.
51 negosyante ang pagpapaliwanagin ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa bigong paglalagay ng price tag sa kanilang mga produkto.
Ayon sa DTI, dalawang araw ang ibinibigay nila sa mga naturang negosyante para ipaliwanag ang inconsistent price tags na ginagawa ng mga ito.
Nadiskubre sa inspeksyon ng fair trade enforcement bureau ng DTI ang paglabag ng halos 80 negosyante mula sa Malabon, Pasig, Parañaque at Quezon City.
Ipinabatid pa ng DTI na 70 negosyante naman ang sumusunod sa Suggested Retail Price (SRP) na inilabas ng ahensya nuong Agosto.
Tatanggalin ng Department of Education ang mother tongue bilang subject sa grades 1 hanggang 3 para mapaluwag ang curriculum ngayon.
Ito ayon kay education undersecretary Epimaco Densing III ay dahil mayroon namang english at Filipino subjects.
Hindi na aniya kailangan ang mother tongue dahil araw araw na itong nagagamit sa mga eskuwelahan, sa mga komunidad at maging sa pag-uusap sa loob ng pamilya.
Sa halip, ipinabatid ni Densing na ilalaan na lamang ang 50 minutes sa national reading at math programs.
Napagpasyahang alisin ang mother tongue bilang subject matapos konsultahin ng DepEd ang iba’t ibang sektor at maging stakeholders sa pag-repaso ng curriculum para sa kinder hanggang grade 10.
Nangunguna muli ang Quezon City bilang pinakamayamang lungsod sa bansa noong 2021.
Ayon sa annual financial report on local governments ng Commission on Audit, nasa 451 billion pesos ang halaga ng assets ng Quezon City na bumaba ng isang bilyon ang assets noong 2020.
Ikalawa namang pinakamayamang lungsod sa bansa ang Makati City na nasa 238.5 billion pesos ang halaga ng assets, bagama’t 2019 nang ideklara itong richest city.
Ikatlo namang pinakamayamang lungsod ang Maynila na may 65 billion peso assets, Pasig – 51 billion, Taguig – 36 billion, Cebu – 33.3 billion, Mandaue sa Cebu – 33 billion; Mandaluyong – 31 billion, Davao – 26. 56 billion, Caloocan City – 23 billion at Zamboanga City – 21 billion.
Ipinabatid ng COA na Taguig City ang pinakamalaki ang nadagdag na halaga ng assets.
Sa mga lalawigan naman, nananatiling pinakamayaman ang Cebu na nasa 215 billion pesos ang kabuuang assets, sumunod ang Rizal na may 30.6 billion ang assets at Batangas – 29. 7 billion.
Sinabi ng COA na halos 98% sa kabuuang 1,715 LGUs ang nakapagsumite ng kanilang financial statements para sa kaukulang audit.