Napasakamay ng PhilHealth o Philippine Health Insurance Corporation ang pinakamataas na net satisfaction rating sa ikinasang nationwide survey ng Novo Trends PH, Inc. noong September 2022.
Lumalabas sa survey na 93.75 o halos 94% ang net satisfaction rating na nakuha ng PhilHealth mula sa 3,000 miyembro na isinailalim sa survey ng Novo trends sa iba’t ibang tanggapan nito.
Kabilang sa mga factors sa mataas na ratings ng PhilHealth mula sa respondents ay: ang kalidad ng PhilHealth staff at serbisyong kanilang natanggap, kasiyahan sa impormasyong ibinigay sa kanila lalo na sa paggamit ng benepisyo gayundin ang mga pasilidad sa mga local health insurance offices at mga benepisyong natanggap ng kanilang pamilya sa pagkaka-ospital.
Samantala, nakasaad din sa survey na tumaas sa 86.79% o halos 87% ang net satisfaction rating na ibinigay ng mga ospital at iba pang pasilidad o halos sampung porsyentong pagtaas mula 77.14% noong 2021. Ayon sa respondents, natutuwa sila sa mabilis na transaksyon, mabait na staff at mas updated na pagbabayad ng PhilHealth.
Pumapalo naman sa halos 87% o 86.31% ang net satisfaction rating na nakuha ng PhilHealth mula sa mga employer na nagsabing madali ang pagbabayad at magagalang ang empleyado samantalang 79.83% naman ang rating mula sa healthcare professionals na tinukoy ang mabilis na aksyon at magalang na mga tao at malaking ibinuti ng serbisyo at pasilidad” sa mga tanggapan ng PhilHealth.
Ang lahat ng net satisfaction rating ng mga miyembro, pasilidad, healthcare professionals at employers ay pawang “excellent” o mahusay.
Binigyang-diin ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. na ang nasabing survey ay patunay lamang nang patuloy na pagpupursige ng PhilHealth na maibigay sa mga Pilipino ang de-kalidad na serbisyo para lalo nilang maramdaman ang mga benepisyo ng Philhealth at Universal Health Care.