Katulad ng ibang babae, ang makasal ang isa sa mga pangarap ni Jenny Calimlim.
Natupad rin ito noong September 6 nang mag-isang dibdib sila ng kanyang long-time boyfriend na si Jayson De Guzman; ngunit sa halip na sa simbahan, sa ospital ito ginanap. At ang bride, walang malay.
Na-comatose kasi ito at naka-confine sa ospital dahil sa sakit na brain tumor.
Pinamunuan ng pari ang kasal, habang nakahiga sa hospital bed si Jenny at nakatayo ang groom sa kanyang tabi.
Ilang oras makalipas ang seremonya, tuluyan nang binawian ng buhay ang babae.
Si Jenny ay 26-anyos lamang.
Naiwan niya ang kanyang dalawang anak na may edad limang taon at anim na buwan.
Malungkot man ang kanyang pamilya dahil sa kanyang pagpanaw, nakaramdam pa rin sila ng kasiyahan dahil kahit papaano, natupad rin ang pangarap ni Jenny na maikasal sa kanyang pinakamamahal.