Makikita ang tunay na diwa ng kalayaan sa bawat Pilipinong lumalaban nang patas.
Ito ang idiniin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang mensahe para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakakakuha siya ng inspirasyon mula sa pagsisikap ng mga ordinaryong Pilipino na araw-araw na napagtatagumpayan ang kanilang mga hamon sa pamamagitan ng pagiging masipag, matapang, at malakas.
Pinuri rin ng pangulo ang mga kahanga-hangang katangian ng mga Pilipino na ipinakikita ng mga magsasaka, mangingisda, guro, at sundalo sa bansa.
Aniya, bagaman iba na ang panahon, nananatiling pareho ang mga kinahaharap nating pagsubok. Sa kabila nito, patuloy pa ring nasasaksihan ang diwa ng kalayaan sa mga Pilipino.
Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, kaisa siya sa mga Pilipino sa paggunita sa Araw ng Kalayaan.
Panawagan niya sa publiko, maging dedikado sa paghahangad para sa “Bagong Pilipinas” na kumakatawan sa mithiin ng isang makatarungan, progresibo, at malayang Republika.