Iginiit ng Department of Finance (DOF) na wala pa ring ipatutupad na automatic suspension ng fuel excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) kahit pa pumalo na sa $83 per barrel ang presyo ng krudo sa international market.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Antonio Lambino, ang suspensyon ng buwis sa produktong petrolyo ay may kaakibat na mga kondisyon.
Sakali anyang manatili sa $80 level ang presyo ng krudo sa international market sa tatlong sunod na buwan ay tsaka lamang anya ipatutupad ang oil excise suspension mechanism bago ang susunod na increase.
Nakatakda ang susunod na increase sa excise tax sa langis sa Enero ng susunod na taon at sa panahong ito ay kabuuang P4.50 na ang buwis sa diesel.
Tiniyak naman ni Lambino sa publiko na gumagawa na ng paraan ang gobyerno upang maibsan ang epekto sa mga mahirap ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.