Itutuloy ng Public Attorney’s Office (PAO) ang pag-awtopsiya sa mga labi ng mga batang hinihinalang nasawi dahil sa Dengvaxia.
Sa kabila ito ng testimonya ni Dr. Scott Halstead, isang eksperto sa bakuna, na hindi puwedeng gamiting basehan ang awtopsiya para maiugnay sa Dengvaxia ang pagkamatay ng isang batang nabakunahan nito.
Ayon kay Atty. Persida Acosta, hepe ng PAO, limang bata pa ang nakatakda nilang isalang sa awtopsiya sa linggong ito.
Karagdagan aniya ito sa nauna nang tatlumpu’t apat (34) na labi ng bata na isinalang nila sa awtopsiya.
“Multi-organ bleeding at pamamaga, pagdurugo ng mga organ, brain, lungs at paglaki ng liver, may isa nga ang laki-laki ng liver, mas malaki pa sa matanda, ang punto po dun sign and symptoms ‘yan ng adverse effects po na inamin naman ng Sanofi noong 2015 pa, nagka-rashes ang mga bata, at severe dengue.” Ani Acosta
Samantala, puspusan na aniya ang paghahanda ng special panel of public attorneys para kasuhan ang mga responsable sa pagbabakuna ng Dengvaxia sa mahigit walongdaang libong (800,000) mga bata.
Sinabi ni Acosta na maingat sila sa paghahanda ng kaso dahil nais nilang makabuo ng isang matatag na kaso na mauuwi sa conviction.
“Puwedeng violation ng anti-torture law, pinag-aaralan din po ‘yung reckless imprudence resulting to multiple homicide at serious physical injuries, at may anggulo na tinitignan din ‘yung murder dahil ang sabi ng ibang abogado ay intentional at deliberate ang pagbili ng Dengvaxia na under clinical trial pa, ang isinisigaw po ng mga katawan ng bata lalo na itong mga patay ay hustisya at katarungan, at maging ang mga magulang na buhay pa ang mga anak nakikita ang torture sa kanilang mga anak, sakit sa ulo, tiyan, panghihina, pagdurugo ng kanilang ilong, tainga o bibig, ‘yan ang nangyayari po eh.” Pahayag ni Acosta
(Balitang Todong Lakas Interview)