Nakapasok na sa Region 2 ang Avian Flu o H5N1.
Ito ang kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) regional executive director Narciso Edillo na tinamaan ang isang backyard layers o paitlugan ng manok na mayroong tatlong daang kapasidad sa barangay Marabulig, Cauayan City, Isabela.
Aniya, sabay-sabay na namatay ang 200 paitluging manok habang ang 100 natitirang buhay ay nagawang maibenta ng may-ari.
Gumagawa naman ng hakbang ang City Veterinary Office ng Cauayan para tukuyin ang pinanggalingan ng Avian Flu at kung saan ibinenta ang mga nasabing alagang hayop.
Samantala, nanawagan si Edillo sa mga nag-aalaga ng mga manok na makipagtulungan sa DA para masugpo ang Avian flu.