Tinawag na insulto sa lahat ng mga alumni ng University of Santo Tomas o UST ang pagbibigay ng Thomasian Alumni Award for Government Service kay Presidential Communications Assistant Secretary Margaux ‘Mocha’ Uson.
Ayon kay Filipino-American novelist at poet Bino Realuyo, alumnus ng UST, marami na ang mga Pilipinong nasawi sa ipinagmamalaki ni Uson na ideya ng pagbabago na dahilan kaya’t ibinigay sa kaniya ang nasabing award.
Hindi aniya makatuwirang ibigay ang nasabing award kay Uson na tinawag niyang isang kilalang propagandist at pasimuno ng fake news.
Sinabi ni Realuyo na ang nasabing hakbang ay malaking insulto sa lahat ng UST Alumni na naniniwala sa pagsusulong ng isa sa mga pillar ng malakas na demokrasya at sa panahong inaatake ang press freedom sa bansa.
Binigyang diin pa ni Realuyo na marami pang alumni ng UST ang karapat-dapat bigyan ng parangal at kilalanin at hindi kabilang dito si Uson.
Bilang protesta, ibabalik ni Realuyo ang award na tinanggap niya bilang Outstanding Alumni in Literature noong 2003.
—-