Puspusan na ang pagrepaso at pag-aaral ng PNP sa mga lugar na nakakapagtala ng malaking bilang ng mga away politika at karahasan tuwing halalan.
Kasunod na rin ito ng kautusan ni PNP chief police general Guillermo Eleazar na bantayan at magkasa ng mga plano kung paano pipigilan ang mga away politika sa gitna na rin nang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2022 National Elections.
Sinabi ni Eleazar na kadalasang nag-uugat sa matinding away politika ng mga kandidato maging ng kanilang supporters ang mga naitatalang karahasan na may kinalaman sa halalan.
Dahil dito, inatasan din ng PNP chief ang Intelligence Group na bantayan at magsagawa ng background check sa mga kandidato kung may potensyal silang maghasik ng karahasan sa kanilang nasasakupan.
Muling tiniyak ng PNP na ginagawa nila ang lahat para tiyakin ang isang tapat, malinis, maayos at mapayapang halalan sa susunod na taon.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)