Nagreklamo ang ilang poultry owners at farmers mula sa Jaen, Nueva Ecija sa tsekeng ayuda ng gobyerno matapos na maapektuhan ng bird flu virus.
Ayon sa mga may-ari ng poultry at manggagawa, hanggang ngayon ay wala pa ring pondo ang ipinamudmod na tseke ng DA o Department of Agriculture noong bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Pampanga noong nakaraang linggo.
Nanawagan ang mga ito na kailangang kailangan nila ang naturang pondo upang muling makapagsimula sa kanilang mga manukan matapos na patayin ang kanilang mga alaga noong kasagsagan ng bird flu.
Ipinaliwanag naman ng Department of Agriculture na may mga kinakailangan pang dokumento bago maipalabas ang naturang pondo.
Samantala, nangako naman ang provincial government ng Nueva Ecija na magpapalabas ng financial assistance para sa mga negosyante at manggagawang epektado ng bird flu gayundin sa mga pulis at sundalong tumulong sa culling process.
By Rianne Briones