Umapela ang Presidential Commission for the Urban Poor na huwag nang idaan sa mga pulitiko ang mga ayuda ng gobyerno para sa mahihirap, tulad ng AKAP ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay PCUP Chairman Meynardo Sabili, dapat i-diretso na sa tao ang pagbibigay ng mga ayuda.
Kapuna-puna na aniya ang ilang pulitiko na sumasama pa sa larawan sa pag-aabot ng ayuda sa mga benepisyaryo, kahit mula naman ito sa national government at hindi sa sarili nilang bulsa.
Binigyan-diin pa ni Chairman Sabili na mayroon din silang nakuhang impormasyon na ginagamit na panakot ng ilang pulitiko na hindi isasama sa AKAP o TUPAD ng DOLE ang mga benepisyaryo kung hindi sila iboboto.
Dahil dito, iginiit ng opisyal na mas nararapat na DSWD na lamang ang mamahagi ng mga ayuda sa pamamagitan ng kanilang regional, provincial, at municipal personnel dahil sila aniya ang may profile o listahan ng tunay na mahihirap. – SA panulat ni Kat Gonzales