Binawi ng Philippine National Police (PNP) ang ipinalabas na memorandum kaugnay ng pamamahagi ng P50K na ayuda sa bawat pulis na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay PNP Director for Comptrollership Major General Emmanuel Licup, nagkaroon ng kalituhan sa nilalaman ng memorandum kaya ito ipinabalik.
Batay kasi sa memorandum ng PNP na may petsang Nobyembre 24, inaatasan ang lahat ng regional directors na bigyan ng tig-P50K na tulong pinansiyal ang lahat ng mga frontliner na pulis na nagpositibo sa COVID-19.
Gayunman, nilinaw ni PNP Spokesperson Brig. General Ildebrandi Usana na ang nakasaad na halaga sa memorandum ay bilang benepisyo sa pamilya ng mga pulis na nasawi dahil sa COVID-19.
Hindi naman kinumpirma ni Usana kung rerepasuhin lamang ang kautusan sa memorandum o tatanggalin na ang lahat ng mga nakasaad dito.