Sinimulan na ng Department of Health (DOH) na ipamahagi ang P1-milyong death benefits para sa pamilya ng mga health workers na nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y kasunod na rin ng itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang maibigay na ang ayudang pinansyal sa pamilya ng mga nasawing health worker hanggang Hunyo 9.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergiere, naibigay na nila sa mga regional health offices ang mga tseke para sa mga nasawing health worker habang may sampu pa mula naman sa Metro Manila ang nakatanggap na.
Maaari naman aniyang makipag-ugnayan sa malasakit program office ng DOH ang pamilya ng iba pang health workers na hindi pa nakatatanggap ng ayuda para naman sa iba pang detalye.
Magugunitang ikinakatuwiran ni Health Secretary Francisco Duque III ang kawalan ng implementing rules and regulations (IRR) mula sa Bayanihan to Heal as One Act hinggil dito.
Pero ayon mismo sa pangulo, hindi na kailangan ng IRR para ibigay ang ayudang pinansyal sa pamilya ng mga nasawi bagkus nais niyang maibigay ito sa lalong madaling panahon.