Pinatitiyak ng isang local labor group sa pamahalaan ang ayuda para sa mga manggagawang tatamaan ng inaprubahang anim na buwang pagsasara ng Boracay island simula sa Abril 26.
Ayon kay General Alliance of Workers Association o GAWA Secretary General Wennie Sancho, dapat makapaglatag na ng isang konkretong programa ang pamahalaan partikular para sa pangkabuhayan ng mga manggagawa bago pa man ang nakatakdang pagsasara ng isla.
Muli ring binigyang diin ni Sancho na aabot sa halos 17,000 mga registered workers sa Boracay ang maaapektuhan ng pagsasara, bukod pa aniya ito sa mga hindi rehistradong mga manggagawa.
Kasabay nito, umaasa pa rin ang grupong gawa na magpagbibigyan ng NEDA, DTI at DOLE ang kanilang panukala na ipatupad ang unti-unti at hindi sabay-sabay na pagsasara ng mga island resorts sa Boracay para na rin sa kabutihan ng mga manggagawa.
Nangako rin ang grupo na kanilang tututukan ang usapin sa darating na Labor Day celebration sa Mayo 1.
—-